Kung Nagmamahal Ka…

St. Mark United Methodist Church
Oktubre 25, 2026

Magandang umaga sa ating lahat.

Hayaan ninyong basahin ko ulit ang bahagi ng ating leksyonaryo mula sa Mabuting Balita.

“Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.” Mateo 22:36-40

Tungkol sa love, pag-ibig o pagmamahal ang tema ng ating pagbasa mula sa Mabuting Balita ngayong araw. Umpisahan natin sa tuwirang tanong – paano ba isinasabuhay ang taos na pagmamahal? May pagmamahal ba na hindi taos? Sabi ni Hesus mahalin ang Panginoong Diyos ng buong puso, kaluluwa at pag-iisip. Balik tayo sa tanong – paano nga? Paliwanag ng marami, ang pagsasakatuparan ng pinakamahalagang utos ay ang pagsasabuhay ng pangalawa – ang mahalin ang kapwa gaya ng pagmamahal sa sarili.

Continue reading →

“Pagpapabaya” ng Diyos Ama at ang Pag-aalay ng Buhay.

Good Friday Reflection
St. Mark United Methodist Church
April 3, 2026

Maganda at mainit na umaga sa inyong lahat.

Sa tradisyunal na pagbasa, mapapansin natin na tatlo sa pitong wika ang direktang naka-address o sinabi ni Hesus sa Diyos Ama – ang una, ikaapat at ikapitong wika. Ang tinuturing na unang wika ay tungkol sa hiling ni Hesus ng kapatawaran, hindi para sa kanya kundi para sa mga taong nagkasala sa kanya.

Ang ikalawa at ikatlo ay ang focus ng pagbubulay sa susunod na, I hope labing limang minuto,

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46 / Marcos 15:34); at “Ama, sa mga kamay mo’y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” (Lucas 23:46)

Pero bago yan, gusto ko munang balikan na bagamat obvious na tatlo lang sa pitong wika ang malinaw na naka-address sa Diyos, kung tatanggalin natin ang partikular na konteksto ng mga kwentong pumapaloob sa pitong wika, at uunawain ang mga ito sa konteksto ng kabuuang buhay at ministeryo ni Hesus, pwede rin siguro nating i-conclude na lahat ng pitong wika ay sa Diyos nya talaga sinasabi. Hindi sa mga nasa burol ng Kalbaryo at hindi rin sa atin. Bagamat maaaring sadyang pinarinig nya at hinugot ang mga sinambit sa kasalukuyang kalagayan, ang Diyos talaga ang kinakausap nya. Sa ganitong paraan, marahil, maaaring makakuha pa tayo ng sariwang pang-unawa sa nais iparating sa atin ni Hesus sa gitna ng kanyang hirap at sakit na nararanasan. Pinakanakakaintriga para sa akin ay kung susubukan ninyong gawin yan sa pangatlong wika. Posible bang tinuring din ni Hesus ang Diyos bilang isang babae at ina?

Balik tayo sa focus natin ngayon – ang ikaapat at ikapitong wika. Bukod sa madrama ang dalawang wikang ito, parang ironic o kabalintunaan ang mensahe. Kung pagdudugtungin natin ang dalawang wika, pinapaubaya ni Hesus ang kanyang espiritu, ang kanyang buhay sa Diyos pagkatapos nyang magtanong, magprotesta, if you will, kung bakit sya pinabayaan o iniwan nito.

“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Bukod sa wikang, “nauuhaw ako” na binasa natin sa gitna ng init ng panahon, ang ikaapat na wika marahil ang pinaka-relatable sa ating mga Pilipino ngayon. Bilang isang bayan, pwede rin nating i-echo ang tanong ni Hesus, Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan.

Para kasing ang unfair ng Diyos sa mga Pilipino. Hindi naman tayo ang pinakanaghihirap pero bakit ba sa kasaysayan ng ating bansa, mula pa naman nang dumating ang mga Kastila na tinuturing ng marami na nagdala ng pananampalatayang Kristiano sa atin, naghirap na ang maraming Pilipino.

Sagana at mataba ang kalupaan, pero gutom ang maraming kababayan. Ang mga magsasaka lalo na ang mga katutubo, ay ang tinuturing na pinakamahirap na sektor sa ating bansa. Halos isa sa apat na batang Pilipino ang bansot o nababansot dahil sa malnutrisyon. Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?

Maaring sabihin na perfect ang condition ng ating ecosystem para makakuha ng malinis na tubig, na ngayon kailangan nang bilhin o bayaran ng mahal. Bukod pa rito, sabi ng mga namumuno, kailangan daw magtayo ng maraming dam na sisira sa maraming bundok at ilog para sa mas stable na water supply. Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?

Nasa Pilipinas ang isa sa pinakamayamang marine biodiversity o sari-buhay sa karagatan. Pero pahirap ng pahirap ang pagkuha ng yamang-dagat kahit man lang sa pang-araw araw na pangangailangan ng mga karaniwang mangingisda. Patuloy na winawasak ang coastal areas sa pamamagitan ng iba’t ibang reclamation projects at dredging. Recently, in-uphold pa ng korte ang pagpayag sa mga dambuhalang commercial fishing boats na pumasok sa mga municipal waters. Dahilan para mas lalong humirap ang panghuhuli ng mga isda habang malapit sa pampang. Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?

Patuloy na inaagaw at sinisira ng mga minahan at quarry operations ang mga lupang ninuno na bahagi ng kabuhayan ng mga katutubong Pilipino. Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?

Noong panahon ng COVID. Upang ma-prevent ang pagkalat ng virus, pasismo ang pinaranas sa mga Pilipino. Nauunawaan natin na kailangang maghigpit, pero bakit ginawang militarisado ang mga pamayanan? Imbes na ang pokus ay paghahatid ng kagalingan, mas takot ang pangunahing pinaranas ng pamahalaan. Pinakulong ang naghahanap at nag d-demand ng pagkain, pinapatay ang mga pumipiglas. Mga katutubo ang pangunahing biktima ng Bloody Sunday noong ika-7 ng Marso taong 2021. Dagdag pa rito, hindi pinalampas ng mga korap ang pagkakataon para nakawan ang mga Pilipino. Naaalala nyo pa ba ang Pharmally scandal? Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?

Libu-libo ang pinatay sa panahon ng pekeng war on drugs ng nagdaang administrasyon. Paano tinanggap ito ng marami sa atin? Kahit sa mga mananampalatayang Kristiano, hindi naging maingay ang pagkundena sa mga pamamaslang. Pinabayaan ng mga tinatawag na banal na halayin ang kinabukasan ng mga pamilya sa mahihirap na pamayanan. Hanggang ngayon ginagawang katatawanan ang paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng malagim na yugto ng ating kasaysayan. Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?

Sa kabila ng mga proyektong pang-imprastraktura gamit ang pondo na karamihan ay inutang para labanan ang mga pagbaha, palala ng palala ang kalagayan ng maraming lugar sa Pilipinas tuwing tag-ulan. Ang mga hindi binabaha noon, binabaha na ngayon. Ang mga binabaha noon, lubog, at kung minsan hanggang bubong ng bahay ang tubig. Noong nakaraang taon, sa drama at kumpas ng pangulo sa kanyang panawagang, “mahiya naman kayo”, nailantad sa sambayanan ang masakit na katotohanan na matagal na nating alam. Napakakorap ng mga namumuno sa bansa. Sa bisa ng burukrata kapitalismo, ninakaw ng mga tiga-gubyerno, kasangkot ang maraming negosyante ang bilyung-bilyong pondo. Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan?

Nagdududa na ba si Hesus sa Diyos? Ngayong tinatanong nya kung bakit sya pinabayaan ng El, ni Eli, pagpapakita ba ito na kinu-kwestyon nya ang katapatan ng Diyos na nagsugo sa kanya? Kung hindi, ano ang katangian ng kanyang pagdududa? Pahayag ba ito kung saan iniisip nya, na baka mawalan ng saysay ang lahat ngayong humaharap na sya sa kamatayan? Alam nya na kung sakali, Diyos ang tanging pag-asa nya para sa kaligtasan. Diyos na ngayon ay tila hindi nya na mararamdaman.

Paano tayo makakapagpatuloy sa pananampalataya? Ang buhay na nararanasan natin sa bayang pinagkatiwala sa atin ng Diyos, napakahirap at tila hindi na kinakikitaan ng pag-asa. Marahil, marami sa atin, gusto na lang mag-survive. O di kaya, hanapin ang Diyos sa ibang bayan. Para bang nilisan na talaga tayo ni Yahweh kaya kailangan natin syang puntahan, habulin sa ibang bayan.

“Ama, sa mga kamay mo’y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.”

Ang wikang ito ay maaari nating isalin ng, “Ama, sa mga kamay mo’y ipinagkakatiwala ko ang aking buhay”. Sa kanyang huling sandali, ipingkatiwala ni Hesus sa kanyang Diyos na Magulang ang sariling buhay. Pero, ngayon lang ba? Hindi ba noong pa? Ang kanyang pagkakatawang tao, ang kanyang ministeryo, ang kanyanyang sakripisyo na nagdala sa kanya sa Kalbaryo ay pagpapahayag at pagsasapraktika ng kanyang pagpapaubaya ng kanyang buhay sa Diyos. Anong buhay ba ang tinutukoy ni Hesus, ang mga natitirang sandali nya dito sa lupa o iba pa? Ano pa ang kabuluhan ng pag-aalay at pagtitiwala ng buhay kung gagawin pa lang ito sa huling sandali ng paghinga?

Para sa maraming mga Hudyo, ending na ng kwento ng isang tao kapag nalagutan na sya ng hininga. Wala nang karugtong. Wala nang chance. Kaya para sa kanila, sa mga oras na ito, wala nang maaaring i-offer si Hesus sa Diyos o sa kahit kanino. And yet, mapangahas kong sasabihin, kahit maaaring lunod na si Hesus sa pagdududa o pagkalito, sinabi nya ang huling wika ng buong tapang at pananalig.

Mga kapatid, hindi magkaaway o magkatunggali ang pagdududa at pananalig. Sa kabila ng mga tanong ni Hesus, sa kabila ng pagkauhaw ni Hesus, sa kabila ng tila pagtatapos ni Hesus, namayagpag ang kanyang pananalig. Alam nya na dahil sa kapangyarihan ng kanyang Magulang sa Langit, hindi perptual, hindi forever ang pagtatapos ng kanyang buhay at ministeryo.

Ah, tulad ni Hesus, sa gitna ng matinding hirap, sakit at pagdududa, maaari nating ipagkatiwala sa Diyos Ama, Diyos Ina, o Diyos na Magulang ang ating buhay. Madalas na nating naririnig ang hamon mula kay Hesus na, kung “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.” Ngunit sa pagkakataong ito, hindi bitbit ni Hesus ang krus. Habang sinasambit nya ang pag-aalay ng buhay, nakadipa si Hesus sa harap ng maraming kaaaway – mga sundalo ng emperyo, mga lider ng Templo at mga taong nag-demand at nagsigurong sya ay maipako at mamatay sa krus.

Maaari nating ipara-phrase ang hamon ito sa, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, dumipa sa harap ng mga kaaway, at sumunod sa akin. Napakabulnerable ng isang taong nakadipa. Ngunit ang pagdipa ay pagpapahayag din ng pagtanggap sa kaaway man o kaibigan, at pagbibigay proteksyon sa mga taong hindi kayang dumipa para sa kanyang sarili. Sa panahon natin, saang Kalbaryo kaya tayo inaasahang dumipa bilang pagsunod kay Hesus, at bilang pag-aalay ng ating buhay?

Amen.

Si Kristo Bilang Liwanag ng Sanlibutan

Juan 8: 12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.”

Magandang gabi.

Bukod sa medyo lumalamig na ang panahon, isang mapapansin natin kapag malapit na mag-Pasko ay ang paghaba ng gabi. Mas maagang nagsisimulang dumilim sa hapon at mas late nagliliwanag kapag umaga. Kung mas mahaba ang gabi o ang oras ng pagdilim, mas mahaba rin ang oras na kailangang nakabukas ang mga ilaw. At kung mas madilim o mas malawak ang lugar, kailangan ng mas malakas o maraming ilaw.

Continue reading →

Ang Diwa ng Pasko ay Pagsilang

St. Mark UMC
Simbang Gabi
December 17, 2023

Magandang gabi sa inyong lahat.

Ang pamagat o topic na pagbubulayan natin ngayong gabi ay, “Ang Diwa ng Pasko ay Pagsilang”. Ang totoo, nag-aalala ako sa topic o title na ito dahil baka isipin natin na panawagan ito para magsilang ng magsilang o magpalaki ng pamilya. Kaya ngayon pa lang linawin na natin, hindi pagpaparami ng anak ang magsasalba sa atin mula sa hirap ng buhay. Magplano ng pamilya. Maging maalam sa pangangalaga ng ating reproductive health kung saan mas may panganib dito ang mga kababaihan.

Continue reading →

Ang Talinhaga ng Ikatlong Alipin

Mensahe para sa Sandmeier UMC
Church and Society Sunday
November 19, 2023

Mateo 25:14-30

Sa calendar ng Northwest Metro Manila District, Church and Society Sunday ngayon. Sa listahan ng mga special Sundays ng United Methodist Church, hindi tinutukoy ang Church and Society Sunday. Ang pinakamalapit na special Sunday dito ay ang Peace with Justice Sunday na ginagawa kasunod ng Trinity Sunday o unang Linggo pagkatapos ng Pentecost.

Continue reading →

Naganap Na!

Good Friday worship service message for St. Mark UMC – 6th of the seven last words of Jesus – April 15, 2022. Juan 19:30.

Magandang araw sa inyong lahat.

Ang ika-anim sa pitong huling wika ni Hesus – “Naganap na.” Sa ibang salin, “Natupad na.”

Magkakaroon siguro ng ibang interpretation kung isasalin natin mula sa English yung wikang, “It is finished.” kasi magiging, “Tapos na.”

Nitong mga nakaraang buwan isa sa madalas itanong ng mga tao, “kailan ba matatapos ito?” Referring yan sa pandemya na may kasamang kung anu-anong pagbabawal. Kasi, ang dami na nating isinakripisyo. Dahil sa mga lockdowns, mahigpit na quarantine para sa marami, at kung anu-anong health restrictions. Maraming opportunities ang nawawala.

Continue reading →

Nagpupumiglas na Kagalakan

St. Mark UMC, Simbang Gabi – December 23, 2020

Magandang gabi sa ating lahat.

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa kabila ng mga pagbabago at mga ipinatutupad na panuntunang pangkalusugan o health protocols, nandito tayo ngayon, bagamat magkakalayo ang ilan ay nagagawang magsama-sama sa diwa ng pagsamba. Alam natin na maraming limitasyon at maraming kahinaan ang kasalukuyang pamamaraan ng pagsamba, ngunit naniniwala ako na ang biyaya ng Diyos ang magpupuno sa ano mang pagkukulang ng ating mga gawain.

Ikawalo at huling gabi na ito ng ating Simbang Gabi kung saan hinalaw ang paksa ng bawat pagsamba sa tinatawag nating fruit of the Spirit. Mababasa natin ang tungkol sa bunga ng Espiritu sa sulat ni Pablo sa mga taga Galatia – kabanata 5, talata 22 hanggang 23a.

“Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili.”

Continue reading →

Lakas Upang Makapanglingkod

Juan 13:3-5

Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay. Siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya nga, siya ay tumindig mula sa paghahapunan at itinabi ang kaniyang mga kasuotan. Siya ay kumuha ng tuwalya at binigkisan ang kaniyang sarili. Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana. Sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad. Pinunasan niya ang kanilang mga paa ng tuwalyang nakabigkis sa kaniya.

Paano natin ginagamit ang ating lakas? Kung tatanggap tayo ng lakas na higit pa kaysa sa kung ano ang mayroon ang karamihan ano ang dapat asahan mula sa atin?

Maraming tao ang nagpapakahusay sa iba’t ibang larangan sa pag-asang ang kahusayan at katalinuhan ay nakapagbibigay ng lakas. Ang iba naman, kinukuha ang lakas sa pamamagitan ng kayamanan (pera o ari-arian), impluwensya at armas. Lakas para kanino at para saan?

Para kay Hesus, ang lakas o kapangyarihang ibinigay ng Ama ay ang kanyang tuntungan upang paglingkuran ang kanyang mga alagad sa pamamagitan ng paghuhugas ng kanilang mga paa.

Promote National Industrialization for National Development — IBON Foundation

“The Filipino people deserve and demand an industrial economy that improves the standard of living of the majority and that strengthens the country’s national independence and self-reliance. We need to transform the Philippine economy from its current backwardness into an industrial power.” https://www.facebook.com/IbonFoundation/videos/10158105468625162/ http://ibon.org/2016/06/promote-national-industrialization-for-national-development/

via IBON Infovideo: Promote National Industrialization for National Development — IBON Foundation