Karanasan Kasama ang mga Dumagat (Bahagi 2)

May pagpapahalaga rin ang mga Dumagat sa edukasyon. Sa Sitio Nayon kung saan namin nakilala at nakausap si Tatay Lope kasama ng iba pang mga nakatatandang Dumagat ay mayroon ng paaralang pang elementarya. Naglalakad naman araw-araw ang mga nag-aaral ng high school ng higit-kumulang 30 minuto sa mabato at maputik na kalsada at tumatawid ng apat na ilog (walang tulay) upang makarating sa Mataas na Paaralan ng Sta. Ines. Hindi madali ang mag-aral para sa mga taga Sitio Nayon lalo na sa mga lugar na katulad ng Sitio Kinabuan kung saan isang guro lang ang nakatalaga upang magturo mula Kinder hanggang Grade 6.

Sa kabila ng pagnanais nilang makapag-aral at matuto, nandyan din ang paulit-ulit na hamon ng pangangailangang makahanap ng pagkain araw-araw. Hindi makapagpatuloy ng pag-aaral ang ibang mga bata dahil kailangan silang isama ng kanilang mga magulang sa bukid habang and iba naman ay dahil kailangang makatulong sa pagsasaka. Dahil ang pag-aaral ay hindi naman totoong libre, may mga pangangailangan din silang ginagastusan kung nais nilang makapagtapos ang kani-kanilang mga anak. Pero ano ang dapat nilang uunahin – ang pangangailangan sa pagkain o ang mga gastusin sa pag-aaral?

Ayon sa isang gurong nakausap namin sa Sitio Nayon, kinakailangang gumising ng mga mag-aaral ng High School ng ikatlo ng umaga upang sila ay makapagluto ng babaunin papuntang paaralan. Maaga silang nagigising dahil sa pagpapadingas pa lang ng kahoy na gagamitin nila sa pagluluto ay kailangan na ng mahabang oras. Pag nakapagluto at nakapagbihis na, maglalakad na sila papuntang paaralan na kung saan ay kailangan nilang makarating bago mag ika pito ng umaga.

Tatlong taga Sitio Nayon ang nakilala naming nag-aaral ng kolehiyo – dalawa para maging Agriculturist (sa Tanay) at ang isa naman ay upang maging guro (sa Antipolo). Sila ang unang “batch” ng mga kabataang mula sa Brgy Sta. Ines na sumusubok makapagtapos ng kolehiyo. Mataas ang pag-asa ng mga taga pamayanan lalo na ang kanilang pamilya sa maiaambag ng mga kabataang ito sa kanilang lugar kung matatapos nila ang kanilang pag-aaral.

Kagaya ng ibang estudyanteng nag m-“migrate” sa ibang lugar para makapag-aral, maraming hamon ang kinakaharap ng mga college students ng Sitio Nayon. Kailangan nila ng matutuluyan, panggastos sa pagkain at mga projects na ni r-require ng kanilang pag-aaral. Dahil likas sa mga Pilipino ang pagiging malapit sa pamilya, natural lang din na isang hamon ang malayo sa kanilang pamayanan kahit pa iniisip nating mas maganda sa lungsod o kabayanan kaysa sa kabundukan.

Ano nga ba ang kailangang matutunan ng isang katutubong Pilipino upang maging “relevant” ang kanyang makukuhang kaalaman mula sa edukasyong ang desenyo ay maka banyaga o “western”? Kaya bang ituro ng mga paaralan o kolehiyo sa lungsod ang mga dapat nilang matutunan upang linangin ang likas na yaman ng kanilang pamayanan? Tanong nga ng isang guro sa amin – nagiging “educated” ba talaga sila o “learned” lang?

Totoo na maraming matututunan at madami ding magiging karanasan, pero aanhin ang pagkatuto at karanasan kung hindi ito magagamit upang pagyamanin ang sariling pamilya, kultura at tradisyon? Paanong masisiguro na ang kanilang mga natututunan sa lungsod ay magbibigay ng makatotohanang pag-unlad at hindi makakasira sa mga mayayaman nilang kinagawian tulad ng paglinang sa sustansya ng lupa sa kagubatan o kabundukan?

Ano kaya ang bahagi ng kultura natin ang maipapasa natin sa kanila habang ine-“educate” natin sila? Alam naman natin na noong tayo ay in-“educate” ng mga Amerikano, na-“Americanize” nila tayo. Gusto ba nating ipasa ang maka-kanlurang kultura at tradisyon natin sa kanila o baka naman mas maganda kung tayo ang magsimulang matuto mula sa kanila upang matulungan nila tayong tuklasin ang ating lahi at pinagmulan? Hindi kaya mas maganda kung i-u-“uneducate” natin ang ating mga sarili ng sa gayon ay matutunan nating tanggapin kung ano ba talaga ang mas mahalaga sa buhay – yung tinatawag na “kaunlaran” o ang kayamanang nagmumula sa mga kabundukan at katutubong pamayanan?

Advertisements

One thought on “Karanasan Kasama ang mga Dumagat (Bahagi 2)

  1. Pingback: Experience with the Dumagat (Part 2) | Small Hands Philippines

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s