Karanasan Kasama ang mga Dumagat (Bahagi 1)

(Unang ipinaskil sa Kape Share at isinalin para sa site ng Small Hands Philippines)

Pagkatapos ng dalawang pagbisita o “exposure” sa pamayanan ng mga Dumagat sa Rizal, nahihirapan pa rin akong isulat o magsulat patungkol sa aking nakita, naramdaman at naranasan. Hindi ko maunawaan kung bakit. Isang dahilan marahil ay hindi ko mahanapan ang mga salitang makasasapat upang ilarawan ang aking mga nasaksihan.

Hindi naman totoong malayo ang lugar ng mga Dumagat sa Tanay, Rizal. Kung tutuusin, ang Brgy Sta. Ines ay humigit-kumulang 50 kilometro lang mula Maynila – halos kasing layo lang ng Naic, Cavite at di hamak na mas malapit kung ikukumpara sa San Fernando, Pampangga – dalawang lugar sa labas ng Maynila na palagi naming pinupuntahan bilang pamilya.

Pero bakit parang hindi ganun kadaling magpunta sa Sta. Ines? Dahil ba madalang ang byahe ng mga pambublikong sasakyan at nakakatakot sumakay sa “top load” na jeep? O baka naman dahil “underdeveloped” at baku-bako ang malaking bahagi ng dadaanan dagdag pa ang pagtawid sa mga ilog na maaaring lumalim kapag malakas ang ulan? Hindi kaya ang hirap ay dahil naman sa “impression” na delikado sa Sta. Ines dahil sa mga labanang nagaganap sa pagitan ng mga militar at rebeldeng grupo? Kung ano man ang dahilan, hindi ko pa rin masabi dahil para sa akin, ang hirap ng pagpunta sa napakagandang pook na ito ay hindi kayang pantayan ang ganda ng kalooban ng mga taong nakilala at nakasalamuha ko sa maiksing panahon. Mga taong may paggalang sa kapwa, pagmamahal sa likas na yaman at hindi kayang bilhin ng huwad na kaunlaran.

“Gumagamit din naman kami ng sabon kung naliligo … paminsan-minsan”. Yan ang isa sa mga unang pangungusap na binitiwan ni Tatay Lope (ang kinikilalang “elder” ng Sitio Nayon), noong una kaming nakipag-usap sa kanya. Hindi ko alam kung bakit ang paggamit ng sabon ang una n’yang binanggit – dahil siguro alam n’ya na ang mga taga Kamaynilaang tulad namin ay “conscious” pagdating sa kalinisan ng katawan partikular sa mga kinagawian pagdating sa paliligo. Tumatak sa akin ang mga salitang ito dahil sa isip ko ito ay kumakatawan sa kaibahan ng uri ng pamumuhay ng mga Dumagat kung ikukumpara sa pamumuhay natin dito sa kapatagan.

Para tayo makakain, kilangan nating mag trabaho sa isang tanggapan o pagawaan na kadalasan ay arawan, lingguhan o kinsenas ang sweldo. Kung meron tayong ganitong trabaho kikita tayo ng pera at sapat man ito o hindi, ito ang gagamitin natin upang makabili ng pagkaing gusong kainin sa palengke, grocery o sa malapit na tindahan. Lulutuin ang nabiling pagkain at ihahain upang kainin. Minsan, maaarin din tayong bumilisa mga sikat na “fastfood” o carinderia kung hindi tayo sinisipag na maghanda at magligpit ng pagkain.

Marami sa ating mga taga Kamaynilaan ay halos siguradong magkakaroon ng sweldong ipambibili ng bigas at pang-ulam lalo na kung mayroon tayong “stable job” sa isang “stable” na kumpanya. Sa sobrang sigurado nga ng iba ay ipinangungutang o ginagastos ng “advance” ang sweldo at kung minsan nadadamay pa pati ang kikitain pagkatapos ng isang buwan o di kaya pati hanggang sa susunod na isa o dalawang taon. Marami sa mga utang na pangmatagalan ay para sa mga bagay na hindi naman talaga kailangan upang mabuhay at dahil hindi naman ito totoong kailangan itinatago ang pagpapautang sa ilalim ng mga tinatawag na “subscriptions” o “pay lite” na packages upang ma enganyo ang mga taong kumagat dito.

Ang mga utang na ito ang nagpapataas ng “stress level” ng ilang mga taga Kamaynilaan dahil hindi nila napapansing nauubos ang kanilang kinikita habang hindi pa nila natatanggap ito. Pag dating ng araw ng sweldo, kapos na ang naiiwang budget para sa pagkain at pambayad ng iba’t ibang mahahalagang bagay tulad ng upa sa bahay, tubig, kuryente at pamasahe. Wala na ring naiipon o sapat na panggastos kung sakaling dumating ang isang “emergency”.

Hindi nararanasan ng mga katutubo ang ganitong klase ng “stress”. Hindi sila nag p-panic pag offline ang ATM machine. Hindi sila nag-aalala kung may trabaho pa sila kinabukasan o wala na. Hindi rin nila kailangang sumunod o magpasaya ng isang boss. Wala silang “time in” at “time out” at hindi sila mababawasan ng sweldo kung liliban sila sa araw ng trabaho. Hindi rin sila apektado ng kahit anong “traffic management scheme” pa ang ipatupad ng pamahalaan kahit gaano kalayo ang lugar kung saan sila kumukuha ng kabuhayan.

Ang mga Dumagat ay umaasa sa lupa at sa sustansyang taglay nito kasama ang daloy ng tubig mula sa mga bukal at sikat ng araw na bumubuhay sa kanilang mga pananim. Ang lupa para sa mga katutubo ay buhay. Hindi ito isang pag-aari, hindi rin ito sukatan ng kapangyarihan. Ito ay kayamanang hindi maaaring angkinin ng isang tao o pamilya dahil ito ay mas matanda pa kaysa sa kanila.

Malalim ang pang-unawa nila na kailangan nila ang kagubatan para mabuhay dahil ito ang nagbibigay-buhay sa mga hayop at pananim na kailangan nila upang makakain. Ramdam nila higit sa lahat ang epekto ng mga kalamidad katulad ng bagyo dahil maaaring sirain nito ang kanilang mga pananim at palubugin ang kanilang mga dinaraanan (mga kalsadang tumatawid sa ilog ng walang tulay).

(Ipagpapatuloy …)

Advertisements

One thought on “Karanasan Kasama ang mga Dumagat (Bahagi 1)

  1. Pingback: Experience with the Dumagat (Part 1) | Small Hands Philippines

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s